Pagsusuri ng Florante at Laura

Pagsusuri ng Florante at Laura
Ni: Jose Ely Azarraga (8-Busay)

Sa akda ni Francisco Balagtas na “Florante at Laura,” ipinahayag niya ang kanyang apat na himagsik. Isa sa mga ito ang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya. Sa pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas, sumibol ang relihiyong Kristyanismo sa bansa sapagkat isa sa mga layunin ng Espanya sa pagpunta nila sa Pilipinas ay ang gawing mga katoliko ang mga Pilipino. Ang gawaing pangungumberte ay ginawa ng walang sagabal na iba pang relihiyon maliban na lamang sa Islam, na mas kinikilala sa Timog.  Ang higit na organisadong pamahalaang sultanato ng Muslim ang tumakot sa mga Espanyol para hindi agad sakupin ang Mindanao. Hindi rin naging priyoridad ng mga Espanyol na sakupin ang mga katutubong nakatira sa kabundukan. Sinimulan nila ang pagsakop sa Sulu (1578) at sinunod naman nila ang Maguindanao (1579). Nang matalo ang pinuno ng mga Muslim (Datu Dimacasnay at Buisan) ay napilitan silang makipagkasundo sa mga EspanyolSa mga nagdaang panahon, lumaganap ang Kristyanismo sa halos lahat ng panig ng bansa, maliban sa Mindanao at iba pang karatig-pulo. Dito kasi unang lumaganap ang relihiyong Islam sa Pilipinas. Upang hikayating magpalit ng relihiyon ang mga Pilipino noon, dinumihan ng mga Kastila ang imahe ng mga Moro. Sinabi nilang taksil sa bayan ang mga Moro sapagkat ayaw nilang kilalanin ang Diyos. Lahat na lang ng maisipang masama ng mga Kastila ay inilalarawan nila sa mga Moro. Kaya, sa panahong iyon, galit na galit ang mga Kristyanong Pilipino sa mga Moro; galit na aabot na sa antas na papatayin nila kung sino man ang Morong tumangkang magpakita sa kanila. Akala noon ng mga tao, wala nang makakapagpabago sa pagtinging iyon ng mga Pilipino sa mga Moro.
Ngunit, iyon ay akala nga lamang. Noong naisulat na ni Balagtas ang “Florante at Laura,” iniba niya ang paglarawan niya sa mga Moro. Sa halip na sabihing taksil ang mga Moro, pinaganda niya ang pagtingin ng mga tao sa kanila. Inilarawan niya ang mga Moro bilang mga mababait na tao na handang tumulong sa kahit sinumang nangangailangan, mapa-Kristyano man o Moro. Makikita ito sa isang mahalagang bahagi ng kwento. Nakatali na sa puno ng higera si Florante, at mukhang naselyuhan na ang kanyang tadhana sa paglabas ng dalawang mabangis na leon. Sa sobrang kawalan ng pag-asa ni Florante, nagpaalam na siya sa mundo at sa kanyang sinisintang si Laura. Tyempo namang nasa gubat ding iyon si Aladin, na nakikinig sa mga sinasabi ni Florante. Nang hindi na niya makayanan ang mga narinig, pumunta siya sa pinagmumulan ng tunog at pinaslang ang dalawang leon na papatay sana kay Florante. Sa ginawang pagpaslang ni Aladin, iniligtas niya ang buhay ni Florante. Noon, ‘di akalain ni Florante na ililigtas siya ng isang Persyano at Moro sapagkat siya’y taga-Albanya at isang Kristyano. Ngunit sa huli, sila’y naging magkaibigan, patunay na posibleng maging magkaibigan ang isang Kristyano at Moro kahit sa panahong iyon.
Sa pamamaraang iyon ipinahayag ni Balagtas ang kanyang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya, at sa akdang iyon unti-unting nag-iba ang pananaw ng mga Pilipino sa mga Moro. Dito nagtatapos ang aking pagsusuri.

Mga sanggunian:
Mendoza, Rodrigo. Kolonyalismo sa Pilipinas: Ang Pananakop ng mga Kastila, Hunyo 27,2017. ekonomiks.info/kolonyalismo-sa-pilipinas/. Nabisita at nakuha nitong ika-10 ng Mayo, 2018.

Gingatan, Kyla Jean.Kolonisasyon at Kristyanismo,https://gingatankylajean.weebly.com/. Nabisita at nakuha noong ika-10 ng Mayo, 2018.

Comments

Post a Comment